
Ang Camarines Norte ay isang lalawigang mayaman sa kultura, tradisyon, at pagkakakilanlan na makikita sa iba't ibang aspeto ng pamumuhay ng mga mamamayan nito. Sa malawak na lalawigan na ito, samo't saring tradisyon ang makikita dahil mayaman sa iba't ibang uri ng Festival at pagdiriwang.
Ang mga kakanin ng CamNorte ay hindi lamang simpleng pagkain, kundi sumasalamin sa pagkakaisa, kasipagan, at pagiging malikhain ng mga tao. Mula sa makukulay na sapin-sapin, malinamnam na kutsinta, hanggang sa natatanging angko at tikoy, bawat isa ay may kwento at kahalagahan sa kultura ng lalawigan.

Ang kakanin, paboritong rice cake ng mga Pilipino, ay may ugat pa sa pre-kolonyal na panahon, gamit ang pangunahing sangkap tulad ng malagkit na bigas, gata ng niyog, at asukal. Mula sa mga handog at ritwal ng mga ninuno, ang kakanin ay naging simbolo ng komunidad, kasaganaan, at pagkakakilanlan ng Pilipino.


Bago dumating ang mga Kastila, gumagamit na ang mga Pilipino ng lokal na sangkap tulad ng malagkit na bigas, niyog, at mga root crops.
Ang malagkit na texture ay sumisimbolo sa pagkakaisa ng pamilya, habang ang bigas ay kumakatawan sa buhay at kasaganaan.
Ang mga unang kakanin ay handog para sa mga ritwal ng ninuno, kasalan, at anihan — banal na ugnayan sa kalikasan.

Ipinakilala ng mga Tsino ang bagong mga pamamaraan at sangkap, na nakaapekto sa pangalan at resipe tulad ng kutsinta at biko.
Ang kakanin ay naging popular tuwing Semana Santa bilang meat-free na pagkain at may kasamang asukal.
Bawat rehiyon ay may sariling bersyon gamit ang lokal na sangkap at likas na talino.

Sa bayan ng Labo, partikular sa Barangay Cabusay—pinagdiriwang ang kahusayan at kaalaman ng mga residente sa paggawa ng kakanin. Mayroon silang selebrasyon na Kakanin Festival, upang ipamalas ang iba't ibang uri ng kakanin na niluto at hinulma sa tradisyonal na pamamaraan.
Sa pamamagitan ng selebrasyon na ito, hindi lamang naipapakita ang husay at pagkamalikhain ng mga mamamayan sa paggawa ng kakanin, kundi napapalakas din ang ugnayan ng bawat isa sa komunidad.

Ang kakanin ay sentro pa rin ng mga selebrasyon sa Pilipinas: Pasko, piyesta, binyag, at kasal — walang kumpletong handaan kung walang kakanin.
Ito ay konkretong ugnayan sa kasaysayan at kultura ng Pilipino. Isang kagat, isang kuwento ng pinagmulan.
Tampok ang kakanin sa mga restawran at panaderya habang pinapangalagaan ang tradisyonal na resipe.


Samantala, sa isang makasaysayang bayan sa Camarines Norte–ipinagmamalaki ang pagkakaroon ng natatanging angko, hinalo, at tikoy. Ang bayan ng Vinzons ay kinikilala rin bilang isang mahalagang sentro ng tradisyonal na kakanin sa Camarines Norte.

Mula sa malagkit na kinagisnan hanggang sa mga bagong likhang fusion, ang kakanin ay patuloy na nagbibigay kulay sa ating mesa. Sa bawat luto, naipapasa ang karunungan ng ating mga ninuno.

Sa mabilis na pagtakbo ng oras at panahon, bagamat dumarami ang impluwensiya ng makabagong teknolohiya at pagkain, mananatiling matibay ang pagpapahalaga ng mga CamNorteño sa kanilang tradisyonal na kakanin. Ang mga ito ay patuloy na ginagawa, ipinapasa sa susunod na henerasyon, at ipinagmamalaki sa iba’t ibang pagdiriwang at okasyon.
Sa pamamagitan ng pook-sapot na ito, layuning ipakilala, ipreserba, at ipagdiwang ang mayamang mundo ng mga kakanin ng Camarines Norte—bilang bahagi ng kanilang identidad at pamana na patuloy na nabubuhay sa bawat kagat. Halina't sipatin ang mayamang kultura ng mga CamNorteño.